MALIGAYANG ARAW NG KASARINLÁN!
Paggunitâ sa Punong Konsulado ng Pilipinas
SHANGHAI, iká-12 ng Hunyo 2021 – Nakiisá ang Punong Konsulado ng Pilipinas sa Shanghai sa paggunitâ ng sambayanáng Pilipino ng iká-123 na Kaarawán ng Pagpapahayág ng Kasarinlán ng Pilipinas.
Pinamunuan ni Punong Konsul Josel F. Ignacio ang payák bagamát maalab na palátuntúnan. Ang mga kawaní sampû ng kani-kaniláng mga mag-anak ay nagtipon upang magbigáy-pugay at manumpâ sa Watawat, na itinaás sa saliw ng Pambasáng Awit.
Ito’y sinundán ng sama-samang panonoód ng pagbatì at pahayág ng Pangulong Rodrigo R. Duterte at ng Kalihim ng Ugnayang Panlabás Teodoro L. Locsin, Jr., at ng isáng maiklíng pelikulang pinamagatáng “Lessons for a Changed World: The Legacy of the Indigenous Peoples of the Philippines”, bilang pagkilala sa 2021 bilang “Year of Filipino Pre-Colonial Ancestors”.
“Diwà ng Kalayaan sa Pagkakáisá at Paghilom ng Bayan” ang itinakdáng gabáy-nilay ng pagdiriwáng ng Kaarawán ng Kasarinlán sa kasalukuyang taon.