MENU

 

P A A L A L A

Ukol sa mga bagong kaso ng COVID na naitalâ sa Lalawigan ng Anhui

Ipinabábatíd ng Punong Konsulado ng Repúblika ng Pilipinas sa Shanghai sa ating mga kababayan sa Shanghai at mga lalawigan ng Anhui, Hubei, Jiangsu, at Zhejiang ang dalawáng bagong kaso ng COVID-19 na naitalâ sa Anhui nitóng iká-13 ng Mayo 2021 ng National Health Commission ng Tsina.
Sa dalawang kasong nábanggit, isá ay natuntón sa Feixi County, lungsód ng Hefei; at isá’y sa karatig na lungsód ng Lu’an.
Gawâ pô nitó, mariín pong pinaáalalahánan ang mga kababayan sa Shanghai at sa mga naturang lalawigan na:
1. Tandaán na ang mga alituntunin laban sa COVID-19 ay ibá-ibá ayon sa bawat lalawigan, lungsód o bayan sa Tsina. Higit na mahigpít ang mga itó sa mga lugar na itinalagâ ng pamahalaan na “medium-“ o “high” risk.
2. Tumalimá at sumunód sa mga health protocols na itinalagâ ng mga may-kapangyarihan sa inyóng lugár (hal. pag-iwas sa matataong lugár, pagsuót ng face mask kapág lalabás, at pagsunód sa wastong personal hygiene). Bukód sa panganib sa inyóng kalusugan, ang hindi-pagsunód ay maaaring mauwî sa multá o pagpapataw ng karampatang hakbáng ng mga may-kapangyarihan.
3. Kapág may sintomas o mga palatandaan ng karamdamán, huwag mag-atubilíng agád na sumanggunî sa pagamutan o ospitál para sa karampatang lunas o payo, at sumunód sa gabáy at naaangkóp na alituntunin ukol sa quarantine, págpapa-testing, atbp.
4. Sumanggunì lamang pô sa mga mapagkakátiwaláan at opisyál na pamuhatan ng kaalaman at gabáy sa inyóng mga pamayanán, at sa mga sumúsunód:
Sa Tsina: National Health Commission <http://en.nhc.gov.cn>
State Council of the PRC <http://english.www.gov.cn>
“China’s Fight Against Novel Coronavirus”
Sa Pilipinas: Department of Health <doh.gov.ph>
Maraming salamat pô.

 

Shanghai, ika-14 ng Mayo 2021