ika-12 ng Hunyo 2016, Shanghai, Tsina
Mga minamahal kong kababayan sa Shanghai Anhui, Hubei, Zhejiang at Jiangsu :
Ika-12 ng Hunyo 1898 nang itinaas sa unang pagkakataon ang watawat ng Pilipinas sa Kawit, Kavite. Bagama’t ang ating bayan sa panahong iyon ay nag-uumpisa pa lamang kumilala sa kanyang pagkakalinlan na natakpan at natabunan sa ilalaim ng 333 taon ng pagsakop ng dayuhan, nanaig parin sa puso at damdamin ng ating mga ninuno ang init ng alab ng nasyonalismo at pagmamahal sa Inang Bayan. Sila, ang ating mga bayani na nagbuwis ng buhay upang maitaas ang ating sariling watawat, nakalilipas na ang 118 taon, ay ating ginugunita hindi lamang sa araw na ito kung hindi sa bawa’t araw ng ating kasyasayan kung saan ating natatamasa ang tamis ng kalayaang binayaran ng dugo at buhay.
At sa pagsasa-aalang-alang ng ating mga bayani at ng kanilang pagpapakasakit para sa karapatang mamuhay ng malaya at matiwasay, sama-sama ring ginugunita ng sambayanang Pilipino ang pagpapakasakit ng milyun-milyon nating mga kababayan na nag-iibang bansa at naghahanap-buhay upang mairaos ang kanilang pamilya at mga minamahal sa kahirapan, upang mabigyan ng magandang kinabukasan. Marapat nating pasalamatan at suklian ng walang pasubaling pagmamahal ang ating mga bagong bayani, ang mga Overseas Filipino Workers, na syang kaagapay ng ating bansa sa patuloy nitong pagsulong at pagsagana.
Isang buwan na ang nakalipas nang tayo’y nagluklok sa kapangyarihan ng mga panibagong lider ng ating lipunan. Ang ating malaya at matagumpay na halalan ay pahimakas sa sakrpisyo at pagbuwis-buhay ng ating mga ninuno at bayani. Umaasa tayo na kasama ng ating mga bagong mamumuno ay patuloy nating lilimbagin ang ating kasaysayan kung saan tayong lahat ay malaya, matiwasay at mapalad. Ummaasa rin tayo na ating ipapamana ang isang Pilipinas na may demokrasyang matatag at malaya sa ating mga sumusunod na salinlahi.
Ang lahat ng ito ay angkop sa tema ng ating paggunita ng kasarinlan ng ating bansa: Kalayaan 2016: Pagkakaisa, Pag-aambagan, Pagsulong. Sama-sama tayong patuloy na lumikha ng isang Pilipinas na matatag at malaya, na katulad ng ating mga ninuno at bayani, ay ating ipamamana sa ating mga susunod na salinlahi.
Kasama ang lahat ng pumapangkat sa Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas at ang lahat ng miyembro ng ating Punong Konsulado sa Shanghai, taos-puso ko kayong binabati sa ating sama-samang pagdiriwang ng anibersaryo ng kasarinlan ng ating minamahal na bayang Pilipinas.
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
WILFREDO R. CUYGAN
Punong Konsul